03/11/2026
𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗠𝗔 𝗙𝗜𝗚𝗛𝗧𝗘𝗥 𝗠𝗨𝗟𝗔 𝗖𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗡𝗘𝗦 𝗡𝗢𝗥𝗧𝗘, 𝗠𝗨𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗦𝗔𝗕𝗔𝗞 𝗦𝗔 𝗜𝗡𝗧𝗘𝗥𝗡𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡𝗔𝗟 𝗖𝗔𝗚𝗘 𝗦𝗔 𝗜𝗡𝗗𝗜𝗔
Muling sasabak sa international mixed martial arts competition sa India ngayong Disyembre 2026 ang mga MMA fighter mula sa Camarines Norte na sina Bebs “Warrior Princess” Francisco at Jake “Venom” Bron, ayon sa anunsiyo ng kanilang kampo sa social media. Inaasahang muling kakatawanin ng dalawa ang Pilipinas sa Warriors Dream Series (WDS), isang professional MMA promotion sa India.
Hindi na bago sa international MMA scene ang dalawang CamNorteño fighter. Noong Abril 26, 2025, kapwa nagtala ng panalo sina Francisco at Bron sa Zeus Fight Night: Road to Olympus. Pareho silang nanaig sa pamamagitan ng second-round technical knockout (TKO), kung saan tinalo ni Francisco si Raagas sa catchweight bout habang pinatigil naman ni Bron ang laban kontra kay Coronel.
Batay sa opisyal na website ng WDS, nakatakda ang Fight Night 19 sa Disyembre 12, 2026, sa CIDCO Exhibition Ground sa Vashi, Navi Mumbai, India.
Nagpasalamat naman ang kanilang kampo sa PCC at Kroc Sports sa pagtulong upang mabuksan ang pagkakataong makalaban sa ibang bansa.