05/20/2026
SIKARAN ARNIS ACADEMY SABAYAN NG BARAS, ITINAYO NOONG 1995
PAGLILINAW SA KASAYSAYAN NG SIKARAN SA BAYAN NG BARAS
Sa paglilinaw, ang bayan ng Baras, Rizal ay unang nakilala sa larangan ng Karate sa pamamagitan ng Baras Karate Club. Subalit noong itayo ni Supreme Grandmaster Hari Osias C. Banaag ang “Sikaran Arnis Academy” sa ibabaw ng palengke ng bayan ng Baras, noon lamang muling nabuksan sa kaalaman ng maraming mamamayan na ang Baras ay may sariling katutubong laro at sining panlaban — ang Sikaran.
Marami pang buhay na dating Blackbelters ng Baras Karate Club tulad nina Estelito Robles, Dante Castillo, Rodrigo Manalo, Evenizer Banaag, at Joel Banaag — na kapatid ni SGM Hari Osias C. Banaag — ang nagpapatunay na iba ang sistemang kanilang natutunan noon sa Karate kumpara sa tunay na Sikaran na pinalaganap ni SGM Banaag.
Malinaw na magkaiba ang Karate at ang tradisyunal na Sikaran na itinaguyod ni SGM Hari Osias C. Banaag. Mula sa kasuotan, pamamaraan ng pagsasanay, mga galaw, pilosopiya, at maging sa tinatawag na “Sayaw ng Sikaran,” na hindi simpleng katumbas lamang ng Japanese “Kata,” makikita ang sariling pagkakakilanlan ng katutubong sining ng Baras.
Sa pamamagitan ng pagtatatag ng Sikaran Arnis Academy, nagsimulang makilala at mapangalagaan ang Sikaran bilang isang tunay na Philippine Traditional Sport at Cultural Heritage ng bayan ng Baras, Rizal. Ang hakbang na ito ni Supreme Grandmaster Hari Osias C. Banaag ang naging daan upang maipakilala ang Sikaran hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang isang natatanging pamana ng kulturang Pilipino.