11/08/2026
KOLUM | 𝐏𝐚𝐱 𝐒𝐢𝐥𝐢𝐜𝐚: 𝐊𝐚𝐮𝐧𝐥𝐚𝐫𝐚𝐧 𝐛𝐚 𝐨 𝐏𝐢𝐲𝐞𝐬𝐚 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐌𝐚𝐤𝐚𝐩𝐚𝐧𝐠𝐲𝐚𝐫𝐢𝐡𝐚𝐧?
ni Maricar Silvano
“Sa isang laro ng ahedres, may mga piyesang ipinaglalaban at may mga piyesang isinasakripisyo para lamang manalo ang iba.”
Habang ipinapakilala ang Pax Silica bilang simbolo ng pag-unlad, isang tanong ang hindi mawala sa isip ko: Pilipinas ba ang tunay na magwawagi, o tayo ang susunod na piyesang isasakripisyo?
Ang Pax Silica, o Peace Through Silicon, ay isang proyektong naglalayong magtatag ng isang manufacturing hub para sa semiconductor at advanced technology sa bansa. Layunin nitong gawing modelo ang New Clark City sa Capas, Tarlac para sa isang bagong yugto ng paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pag-akit ng foreign direct investments at paglikha ng libo-libong trabaho.
Sa unang tingin, parang ito na ang sagot sa pangarap nating pag-unlad. Sino nga ba naman ang tutol sa mas maraming trabaho, mas malaking kita para sa bansa, at mas makabagong teknolohiya?
Ngunit para sa akin, hindi sapat ang magagandang pangako.
Ang tanong ay hindi lamang kung gaano kalaki ang proyektong ito, kundi kung sino ang tunay na makikinabang at sino ang posibleng magsakripisyo.
Hindi ako laban sa pag-unlad. Bilang isang kabataang Pilipino, gusto kong makitang umuunlad ang ating bansa at nakasasabay sa pag-unlad ng mundo. Ngunit naniniwala rin ako na hindi dapat isakripisyo ang kalikasan, kalusugan, at kabuhayan ng mga Pilipino para lamang masabing moderno na tayo.
Hindi natin maikakailang may magagandang maidudulot ang Pax Silica. Maaari itong lumikha ng mas maraming trabaho, makahikayat ng mga mamumuhunan, magpasok ng kita sa ekonomiya, at makatulong sa pag-unlad ng bansa.
Ngunit hindi natin dapat ipikit ang ating mga mata sa mga posibleng kapalit nito.
Isa sa pinakamalaking pangamba ay ang magiging epekto nito sa mga magsasaka at sa kalikasan. Kung mangangailangan ito ng malawak na lupain, saan pupunta ang mga pamilyang matagal nang umaasa sa pagsasaka? Ano ang mangyayari sa kanilang kabuhayan kapag nawala ang lupang bumubuhay sa kanila?
May mga ulat ding nagsasabing may mga lupang binibili sa halagang humigit-kumulang ₱30 kada metro kuwadrado. Kung totoo man ito, sapat ba ang halagang iyon bilang kapalit ng lupang pinaghirapan at minana pa ng maraming pamilya?
Hindi lang lupa ang usapin.
Kilala rin ang industriya ng semiconductor sa malaking konsumo nito ng tubig at kuryente. Ayon sa ilang pagtataya, maaaring umabot sa 120 milyong litro ng tubig kada araw ang kailangan para sa operasyon at pagpapalamig ng mga pasilidad.
Kaya hindi maiiwasang magtanong ang maraming Pilipino:
Kung kaya nating maglaan ng milyon-milyong litro ng tubig para sa isang proyekto, bakit marami pa ring barangay ang walang sapat na suplay ng tubig? Bakit marami pa ring magsasaka ang walang maayos na irigasyon?
Kung kaya nating suportahan ang napakalaking konsumo ng kuryente ng mga pabrika, bakit marami pa ring lugar sa Pilipinas ang madalas makaranas ng brownout?
At higit sa lahat, kung kulang pa nga tayo sa mga barangay health center, bakit tila mas mabilis ang pagpapatayo ng malalaking proyekto kaysa sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino?
Hindi ito pagtutol sa pag-unlad. Isa lamang itong paalala na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang tungkol sa malalaking gusali at bilyong pisong pamumuhunan. Ito ay tungkol sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino.
Habang may mga naniniwalang pag-asa ang Pax Silica, may mga mamamayan ding nananawagang huwag isakripisyo ang kalikasan at kabuhayan kapalit ng pag-unlad. Kaya naman maririnig ang kanilang mga tinig:
“Ang kalikasan ay hindi para ibenta.”
“Protect our land, our health, our future.”
“Tubig namin, hangin namin, buhay namin. Pax Silica Out!”
“We can live without AI, but we can’t live without water.”
Hindi lamang ito mga salitang nakasulat sa mga plakard. Ito ang boses ng mga mamamayang nangangambang baka ang ipinapangakong pag-unlad ngayon ang maging dahilan ng pagkawala ng kanilang lupa, tubig, kalusugan, at kabuhayan.
Hindi sapat na marinig lamang ang mga salitang trabaho at pag-unlad. Kailangang may kasamang malinaw na garantiya na mapangangalagaan ang ating likas na yaman, matitiyak ang sapat na suplay ng tubig at kuryente, at mapoprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Sa isang laro ng ahedres, walang boses ang mga piyesa.
Ngunit sa isang demokratikong bansa, tayo ang tinig ng bayan.
Huwag nating hayaang ang katahimikan ang maging dahilan upang ang ating lupa, tubig, at kinabukasan ay maging kabayaran para sa pag-unlad na hindi pantay ang pakinabang.
Sapagkat ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa dami ng pabrika o laki ng puhunan. Nasusukat ito sa kung paano nito pinangangalagaan ang tao, kalikasan, at kinabukasan ng bansa.
Dahil sa huli, walang saysay ang pag-unlad kung ang kapalit nito ay ang mga bagay na hindi na natin kayang ibalik.
Likha ni Rodel Salubo