22/10/2026
Sana mag ka totoo hehe, para masubukan din makanood sa palarong pambansa at dito pa sa CAVRAA❤️
Nagpahayag ng interes ang lokal na pamahalaan ng Santiago City na maging host ng Palarong Pambansa sa mga susunod na taon, ayon kay Mayor Atty. Alyssa Sheena Tan.
Inihayag ng alkalde ang hangaring ito sa opening ceremony ng Santiago City Athletic Association (SCAA) Meet 2026, kung saan binigyang-diin niya ang kahandaan ng lungsod na paghandaan ang pagho-host ng prestihiyosong pambansang palaro.
Ayon kay Tan, patuloy ang pagsasaayos at pagpapaganda ng mga sports facilities, billeting areas, at accommodation quarters upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga delegasyon at iba pang kalahok.
Bagama’t nakatakdang idaos sa Quezon City ang Palarong Pambansa 2027, sinabi ng alkalde na makikipagtulungan siya kay Isabela 4th District Representative Engr. Joseph S. Tan upang maisulong ang posibilidad na ma-host ng Santiago City ang kompetisyon bago matapos ang kanilang kasalukuyang termino.
Umaasa rin ang lokal na pamahalaan na makatutulong ang karanasan ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet sa paghahanda ng lungsod para sa mas malaking responsibilidad.
Kung maisasakatuparan, magiging pagkakataon ito para maipakita ng Santiago City ang kakayahan nitong mag-organisa ng isang pambansang sporting event at tanggapin ang libo-libong student-athletes, coaches, at sports officials mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa patuloy na pag-unlad ng grassroots sports sa Pilipinas, isa ang Santiago City sa mga lungsod na nagnanais makibahagi sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
SOURCE: K5 News FM Santiago
Photo courtesy: Atty.Sheena Tan |FB page
Palarong Pambansa-Agusan del Sur