02/01/2024
𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗢𝗚𝗢 . . .
Ang opisyal na logo o sagisag ng Ika-52 Panlalawigang Dyamburi ay orihinal na likhang didyital ni G. Marvelous Samoy katuwang ang buong BSP Nueva Ecija Creatives, Media and Publicity Team.
Tampok sa nasabing sagisag ang ilan sa mga mahahalagang simbolo tulad ng:
1. Logo o sagisag ng BSP Nueva Ecija Council – Ang isa sa mga nangunguna at aktibong sangay ng Boy Scouts of the Philippines sa Gitnang Luzon. Sa ika-52 pagkakataon, lilikha muli ito ng kasaysayan sa mundo ng scouting at muling huhubog ng mga Kabataang Novo Ecijano, na sa mga darating na panahon ay siyang mangunguna ng pagbabago di lamang sa ating probinsya, kundi pati na rin sa ating rehiyon, bansa at mundo.
2. Mga Sinag ng Araw - Nagpapakita ng maliwanag at magandang buhay. Ito ay nagbibigay sa atin ng mensahe na laging maniwala na may maganda at maunlad na kinabukasan na naghihintay para sa lahat.
3. Mapa ng Nueva Ecija – Ang Nueva Ecija, kinikilala bilang “Rice Granary of the Philippines”, ay binubuo ng 27 munisipalidad at 5 syudad. Kilala rin ito bilang isa sa unang walong probinsyang nag-aklas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ang ika-52 edisyon ng Panlalawigang Dyambori ay gaganapin sa Palayan City, punong-lungsod ng probinsya. Ang mapa ng Nueva Ecija ay sumisimbolo ng pagkakaisa at pagkakaroon ng iisang layunin ng lahat ng bayan at lungsod, ang pagtaya sa mga Kabataan bilang pag asa ng bayan.
4. Mga uhay ng Palay – Ang mga gintong butil ng buhay na pagkain ng tanan... Ang sumasagisag sa pagiging Novo Ecijano ng bawat isa. Tulad ng palay, ang nagungunang pagkain nating mga Pilipino, ang Scouting ang nagbibigay liwanag sa landas ng mga Kabataan tungo sa pagbabago at sa isang mundo kung saan ang lahat ay nagtutulungan at sama-samang umaangat.
5. Tent o Tolda – ang simbolo ng kamping. Sa loob ng ilang araw, ito ang magiging pansamantalang tahanan ng mga scout. Ito ang magiging pananggalang sa init ng araw at lamig ng gabi at magsisilbing pahinga ng bawat isa.
6. Aguhon - Simbolo ng patnubay at direksyon. Ang apat na punto ng Aguhon- hilaga, timog, silangan at kanluran - ay kumakatawan sa pagkakaugnay ng lahat ng direksyon. Ito ay paalala na malaya kang pumili ng mga kurso ng iyong buhay ayon sa batas ng Diyos at kapwa tao.
7. Mga Scout – Hangga’t may Kabataan, may scouting! Makikita sa sagisag ang grupo ng mga scouts sa lahat ng antas ng scouting. Ito ay nagpapahiwatig ng pagtanggap sa bawat isa ano man ang edad, kasarian, at estado ng buhay. Scouting is for all!