14/08/2025
Inihayag ni House Senior Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez sa isang ambush interview nitong Miyerkules, Agosto 13, na hindi umano galing sa Kamara de Representantes ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ‘demolition job’ na ibinibintang ng huli sa Kamara.
Ito ay kaugnay sa pagkumpirma ni Escudero sa kanyang press briefing nitong Martes, Agosto 12, na naging campaign donor niya ang Sorsogon-based firm Centerways Construction and Development Inc. noong 2022 elections ngunit sinabi niya na wala siya umanong kinalaman sa mga anumang flood control project sa Sorsogon.
Pinabulaanan rin ni House spokesperson Atty. Princess Abante ang sinabi ni Escudero ukol sa ‘demolition job’ laban sa kanya: “Wala pong nanggagaling sa House. Ang tutok po ng House of Representatives ay ang trabaho at tungkulin nito,” saad niya.
“Ang trabaho ng House ay hindi po magsimula ng anumang away kahit kanino man,” wika ni Abante sa panayam sa kanya sa ‘Unang Balita’ ng Unang Hirit nitong Miyerkules.