17/08/2026
Eala Fanatic!
ALEX EALA, GINAWANG “LIVING CANVAS” SA RICE PADDY ART SA NUEVA ECIJA
Isang kakaibang pagkilala kay tennis star Alex Eala ang isinasagawa ngayon sa FutureRice Farm sa Nueva Ecija sa pamamagitan ng rice paddy art.
Sa pamamagitan ng maingat na pagtatanim ng palay, unti-unting mabubuo ang imahe ni Eala sa taniman na inaasahang magiging isang malaking “living canvas” pagsapit ng susunod na buwan.
Nakibahagi sa aktibidad ang mga miyembro ng PhilRice Tennis Club, kasama ang mga kinatawan mula sa Tarlac City Agriculture Office at Talavera Municipal Agriculture Office.
Bukod sa pagpapakita ng husay at pag-usbong ng tennis sa bansa, layunin din ng proyekto na ipakita ang malikhaing paraan ng paggamit sa palayan bilang daluyan ng sining at mensahe.
Naging bahagi rin ng pagtatanim si Karen Lou Nuñez, midwife, social media influencer at Be RICEponsible campaign ambassador, na mas nakita ang halaga ng sakripisyo ng mga magsasaka matapos maranasan mismo ang pagtatanim.
Muling binigyang-diin sa aktibidad ang kahalagahan ng paggalang sa bawat butil ng bigas, dahil kaakibat nito ang oras, pagod at pagsisikap ng mga magsasaka.
Kapag tuluyan nang mabuo, inaasahang magiging kapansin-pansing tanawin sa FutureRice Farm ang rice paddy art na tampok ang imahe ni Eala.
Courtesy: DA-PhilRice