01/08/2023
UNANG GINTONG MEDALYA SA JAVELIN THROW, NASUNGKIT NG KOPONAN NG BICOL SA PALARONG PAMBANSA 2023
Sa unang araw ng laro sa Palarong Pambansa 2023, naiuwi kaagad ang kauna-unahang gintong medalya sa larong Javelin Throw sa secondary girls category ngayong Martes, Agosto 1, na ginanap sa Marikina Sports Complex.
Ang 16-anyos na atletang nag-uwi ng gintong medalya ay si Ana Bhianca Gebilagiun Espenilla, tubong Buenos Iris, San Fernando, Masbate, isang estudyante ng Masbate Sports Academy (MSA) ng SDO Masbate Province.
Abot langit naman ang saya ng kaniyang mga coach na si Jonathan Libranto at Regine Batoy Libranto sa pagkakasungkit ng unang gold medal ng kaniyang atleta sa unang araw ng palaro.
"Bilang coach, sobrang saya po dahil nasuklian lahat ng pagsisikap at pagsakripisyo at nagpapasalamat sa Panginoon at lahat na sumusuporta sa aming learner athletes sa Masbate Sports Academy at sa lahat ng atletang Bicolano," pahayag ni Coach Regine.
Samantala, lubos namang nagpapasalamat si Rufino Arellano, officer-in-charge ng nasabing paaralan sa lahat ng sumuporta at naging katuwang sa tagumpay ni Espenilla.
Umaasa naman ang koponan na marami pa ring maiuuwing medalya sa iba't ibang larangan sa naturang palaro. | Jonathan Morano
Courtesy: SDO Masbate SGOD, Rufino Arellano, Regine Batoy Librando, Jeric Cabug