24/05/2026
AUDAX ANTIPOLO 2026
ANG "BRUTAL" MO!
ITO NA NGA!
PART 1 Ang Kagustuhan
Noong 2018, ipinangako ko sa sarili ko na sasali ako sa susunod na Audax Rizal. Pero dahil sa isang insidente noon, tinanggal ang ruta. Dahil wala pang qualification requirements nung panahong 'yon, sa Audax Subic ako napadpad noong 2019. Sinundan pa ito noong 2023 at 2024, pero puro 200km rides lang.
2025, ibinalik na sa wakas ang Audax Rizal. Gustong-gusto ko sanang sumali, pero nagka-conflict sa schedule, at balita ko ay mas pinahirap ang bagong ruta kumpara sa dati. Kaya sabi ko, "Next year, game na talaga 'yan!"
Para paghandaan ito, pitong magkakasunod na Sabado ang inilaan ko talaga para mag-long ride at magkarga. Alam kong matinding bakbakan sa ahunan ang haharapin ko. Salamat sa Panginoon, naging mabisa ang ginawang ensayo.
PART 2 Ang Kalbaryo sa Ilalim ng Tirik na Araw
Ang Boso-Boso to Jariel’s at pabalik, madali lang e. Kaya ko pang tawanan. Pero nung pababa na ako mula Jariel’s papuntang Real, kinausap ko na ang sarili ko "Binaba mo yan, Harold. Ahunin mo yan ulit pabalik kaya i-enjoy mo na ang pababa ngayon."
At doon na nga nagsimula ang totoong kalbaryo.
Sumabay pa ang sobrang lupit na init ng panahon, yung tipong pakiramdam mo, sa aming mga siklista lang nakatutok ang sikat ng araw. Habang pumupadyak, kinakausap ko na si Lord "Lord, kasama kita rito ah." Pero maya-maya, puro mura na rin ang lumalabas sa bibig ko sa sobrang reklamo sa init. Napapasigaw na lang ako ng, "Umulan ka naman, kahit ambon lang!"
Para lang maibsan sana ang init sa katawan dahil parusa talaga.
Ito na mga diskarteng ginawa ko para maibsan ang init sa katawan haha!
Water Break #1: Nakakita ako ng butas na tubo ng tubig, hinintuan ko para maghilamos at magbasa ng ulo.
Water Break #2: May nakita akong naglalaba, nakiusap ako kung pwedeng magbuhos. Ayun, nakaupo lang ako sa sahig habang naliligo ang buong ulo at katawan.
Water Break #3: Nakakita uli ako ng hose sa labas ng isang bahay, nakiusap na naman akong makibuhos para maibsan ang nag-aapoy na katawan.
May isang tindahan pa akong hinintuan dahil target ko uli ang hose nila. Sa kasamaang palad, patay ang linya! Pero sobrang bait ng mag-asawang may-ari, inalok nila na doon na lang ako lumublob sa swimming pool nila sa ibaba. Ang kaso, sobrang tarik ng bababaan. Agad akong napaisip, "Paano ako aakyat pabalik eh laspag na ang mga binti ko?" Pero sadyang napakabait nila, dahil si Ate na mismo ang kumuha ng timba para makapagbuhos ako. Maraming salamat po sa inyo!
Sa mga staff naman sa 1st Secret Checkpoint, saludo ako sa inyo. Kayo ang literal na tagapagligtas pagkatapos ng brutal na ahon, yung ahon na kahit sasakyan ay hirap na hirap umakyat.
PART 3 na! Ang pag aakalang tapos na.
Pagdating ng 140km, pabalik na ng Jariel's, kumpiyansa na ako. Sabi ko sa sarili ko, "Tapos na 'to. Kabisado ko na 'to, ilang ulit na ako nakapunta rito."
Dumating ako sa Sampaloc crossing at kumain muna ng maruya. Ang plano, magkarga bago sumabak sa ahon pa-Sierra Hotel. Pero doon ako nagkamali. Bigla kong naramdaman ang matinding pagod, dahan-dahan nang bumibigay ang katawan ko.
Sobra akong nadale sa segment na ito. Tatlong beses akong napahinto para huminga, kasama na ang pahinga sa 2nd Secret Checkpoint. Matapos ang 2nd checkpoint, literal na ginapang ko ang ahon mula Manukan hanggang Radar, pati ang huling ahon ng Boso-Boso, makatagos lang sa finish line.
PART 4 Ang pagtagos at pagtatapos
Napakakakaiba ng karanasang ito. Sobrang hirap, pero sobrang saya. At kahit dumanas ako ng matinding kalbaryo, hinding-hindi sumagi sa isip ko ang katagang "Hindi ko na uulitin ito." Napakagaling lang talaga.
Bagamat solo rider ako, pagkatapos ng event, pakiramdam mo ay matagal mo nang kakilala ang mga kapwa mo riders. Paano ba naman, sama-sama ninyong hinarap, nilabanan, at nairaos ang bagsik ng Audax Rizal.
Ang sarap. Ang init. Ang sakit.
At ang pinakamasarap sa lahat? Pagtawid ng finish line, nandoon at naghihintay ang aking mahal na asawa at anak. Panalong-panalo sa pakiramdam! 🥹❤️
Ang tanong: Uulitin ko pa ba? OO NAMAN!
Ikaw, gusto mo rin ba ng mapanghamong ruta? Huwag ka puro ebas! Gawin mo rin at subukan mo, para malaman mo kung gaano kasarap at kasaya sa pakiramdam ang manalo laban sa sarili mo! 💪🚴♂️🏆
Maraming Salamat Audax Randonneurs Philippines (audax.ph)