06/08/2026
๐ข๐ฃ๐๐ก๐ฌ๐ข๐ก๐ ๐๐ฆ๐ฃ๐ข๐ฅ๐ง๐ฆ | Hindi Lahat ng Kabataan ay Basketball Player
Kapag narinig mo ang salitang โpaliga,โ alam na agad ng lahat ang kasunod.
Basketball.
Tuwing mag-aanunsyo ang Sangguniang Kabataan (SK) ng โsports program,โ halos tiyak na ang kasunod ay poster ng liga ng basketball. Taun-taon, may opening parade, jersey, tropeo, at kampeon sa basketball, samantalang nananatiling walang espasyo ang mga kabataang may talento sa volleyball, chess, sepak takraw, badminton, athletics, at iba pang disiplina.
Hindi maikakaila na mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ang basketball. Madali itong laruin at tinatangkilik ng kahit ano mang edad. Ngunit ang problema ay nagsisimula kapag ito na lamang ang tanging sport na binibigyang-prayoridad ng SK, hanggang sa nagiging monopolyo na nila ang pagpapatakbo ng mga paliga bilang sukatan ng isang sports development.
Sa ilalim ng Section 20(a) ng Republic Act No. 10742, o ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, na inamyendahan ng Republic Act No. 11768, malinaw na inaatasan ang bawat SK na ilaan ang sampung porsiyento (10%) ng general fund ng barangay para sa mga programang tunay na nagtataguyod sa pagpapaunlad, pakikilahok, at pagbibigay-kapangyarihan sa kabataan.
Kung tutuusin, hindi ito pondong nakalaan para sa iisang uri ng aktibidad lamang, kundi para sa mga inisyatibang kumikilala at sumasaklaw sa ibaโt ibang pangangailangan at potensiyal ng bawat kabataang Pilipino. Pero kapag basketball lamang ang may pondo at may organisadong torneo, hindi na ito pagpapaunlad ng sports โ ito ay paglinang ng iisang laro habang napapabayaan ang iba.
Hindi rin maitatangging sa komunidad nagsisimula ang paghubog ng isang manlalaro. Bago makarating sa dibisyon, rehiyon, o pambansang kompetisyon, sa barangay muna natutuklasan ang kanilang kakayahan. Kung tunay nating hangad na mapaunlad ang sports sa Pilipinas, hindi sapat na isigaw ito sa tuwing may internasyonal na paligsahan. Kailangang magsimula ito sa pinakaunang antas ng paglinang ng talento: ang mismong pamayanang kanilang kinalakihan.
Sa katunayan, ang mga paliga at lokal na kompetisyon ay hindi lamang simpleng libangan. Nagsisilbi rin itong daan upang matuklasan ang mga kabataang may likas na husay sa ibang sports. Maaaring ang susunod na kampeon sa chess, badminton, volleyball, o sepak takraw ay nasa isang barangay lamang, pero nananatiling nakatago sa kahon dahil kailanman ay hindi nabigyan ng pagkakataong makalaro.
Kapag iisang bola lamang ang patuloy na ipinapasa ng sistema, hindi kakayahan at interes ng mga kabataan ang kulang, kundi ang patas na oportunidad upang umangat sa larangang kanilang kinabibilangan. Kung paulit-ulit na pinapaburan ng SK ang mga paliga sa basketball, lumalabas na isa na itong istrukturang pagkiling na naglilimita sa pag-usbong ng potensyal ng mga kabataang dapat sanaโy kanilang kinakatawan.
Hindi naman ito panawagang alisin ang basketball. Hindi rin ito pagmamaliit sa sport na nagbigay ng napakaraming masasayang alaala sa mga Pilipino. Ang punto ay simple lamang. Kung seryoso tayong suportahan ang kabataan, suportahan natin ang lahat ng uri ng talento. Hindi sapat na sabihin nating โlahat ay may pagkakataonโ kung ang pagkakataon ay para lamang sa mga marunong maglaro ng basketball.
Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng napakalaking budget para magsimula. Hindi kailangang magkaroon agad ng bonggang facilities. Sapat na ang isang simpleng chess tournament, badminton at table tennis competition, volleyball clinic, o athletics meet upang maramdaman ng kabataan na may lugar din sila. Dahil ang layunin ng sports ay hindi lamang makahanap ng kampeon. Layunin din nitong matulungan ang kabataan na matuklasan kung saan sila tunay na mahusay.
Hanggaโt ang tanging sports program na inihahain ng SK ay panibagong liga ng basketball, mananatiling napag-iiwanan ang libo-libong kabataang may husay sa iba pang larangan. At kung basketball lamang ang palaging ibinibida, hindi paglilingkod ang umiiral โ isa itong pagkitil sa mas malawak na potensyal ng kabataang Pilipino.
Panulat ni Jovilyn Dariagan | Grim Amulet
Inilapat ni John Marco Santos