20/08/2026
❤️🎊
FEATURE | Kristine Kaye Sosa, Kampeon sa International Karate Championships sa Singapore
Isang karangalan na naman sa Barangay Magapit at sa bayan ng Lal-lo matapos masungkit ni Kristine ang kampeonato sa International Karate Alliance Kyokushinryu Lion City Championships 2026 na ginanap sa Singapore noong ika-15 ng Agosto.
Taong 2021 nang magsinulang magsanay ng karate si Kristine, at simula noon, naging sunod-sunod na rin ang kanyang naging tagumpay sa mga kompetisyon.
Kabilang dito ang pagiging kampeon sa 3rd Tuguegarao Invitational Full Contact Karate Tournament 2025, All Cagayan Kyokushin Full Contact Karate Tournament Tuguegarao City 2025, 2nd Bulacan Invitational Karate Tournament 2024, at 2nd Tuguegarao Kyokushin Invitational Full Contact Karate Tournament 2024.
Ayon kay Kristine, malaking bahagi ng kanyang paglalakbay ang suporta ng kanyang pamilya dahil sila ang unang naniwala sa kanyang kakayahan nang tahakin niya ang larangan ng karate.
Patuloy silang nagbibigay ng suporta sa bawat pagsasanay at kompetisyon, lalo na sa mga gastusing kailangan para makasali si Kristine sa mga tournament, kabilang na ang kompetisyon sa Singapore.
"Kaya mas tumatak sa isip ko na kailangan kong maipanalo at maipakita sa kanila na hindi nasayang ang kanilang pagsisikap," ani Kristine.
Ang kanyang coach na si Dario Condoy ang isa sa mga taong nagpatatag sakanya, sa walang sawang paggabay, pagsasanay at paghahanda para sa mga kompetisyon.
Sa bawat laban, dala ni Kristine hindi lamang ang mga natutunan sa karate, kundi pati ang tiwala at suporta ng kanyang pamilya, coach, at ang buong Lal-lo.