19/05/2026
Nakalaya na ang 68-anyos na si Ireneo Vidal matapos makulong nang ilang araw dahil umano sa paglabag sa anti-mendicancy ordinance sa Cebu City.
Ayon kay Vidal, hindi siya namamalimos. Tumutugtog lamang daw siya ng harmonica sa Colon, Cebu City upang kumita ng kaunting pera at may maipakain sa kanyang tatlong taong gulang na apo.
Paliwanag niya, umaasa lang siyang may mga taong magkukusang magbigay bilang kapalit ng kanyang musika—isang simpleng paraan upang maitaguyod ang kanyang apo sa kabila ng hirap ng buhay.
Ngunit sa kabila nito, inaresto siya ng mga tauhan ng Anti-Mendicancy Office at nakulong nang pitong araw bago tuluyang nakalaya sa tulong ng mga taong naantig sa kanyang kalagayan.
Kabilang sa tumulong sa pagproseso ng kanyang paglaya sina Cebu City Councilor Jun Alcover, Chief of Staff Chito Aragon, at ang Carbon Police matapos umani ng atensyon ang kanyang sitwasyon.
Marami ang nalungkot at naantig sa nangyari kay Lolo Ireneo, lalo na nang muli niyang mayakap ang kanyang apo matapos makalaya. Para sa marami, ang kanyang kuwento ay paalala na sa likod ng bawat taong nasa lansangan ay may pinapasan na kuwento, pamilya, at pangangailangang sana’y mas maunawaan bago husgahan.