08/01/2025
MAGANDANG UMAGA HUMANISTAS! OKAY PA BA TAYO SA FIRST WEEK OF CLASS? AGOY!
ABA! I-TULOY NA NATIN ANG SSNKK EPISODES! MAY I INTRODUCE TO YOU OUR EPISODE 14!
SSNKK EPISODE # 14
βοΈ Written by : Prudencio
"Hahanapin Kita Sa Bawat Akda"
Mahal kita---salitang inukit mo sa pulang tinta.
Hindi ko inakalang ang simpleng salitang ito ay daig pa ang time machine sa konsepto ng pagbabalik sa nakaraan.
Naalala ko pa ang mga sulat mo, mga sulat na isinasalin ang aking kagandahan gamit ang tagos-kaluluwa mong mga salita. Mga sulat na nagtaas sa gilid ng aking labi habang tumitibok ang aking puso sa bawat salitang pumapasok sa dibdib ko. Naalala ko pa kung gaano ako kaganda sa paningin mo---kung gaano ako kaganda ngumiti, gaano ako kaganda magsalita, at gaano ako kaganda sa tuwing nag-iisa ako sa mundong tinatawag mong itim na tinta.
Mahal kita---salitang inukit mo sa pulang tinta. Ikaw mismo ang nagsabi sa akin na ang dahilan kung bakit mo isinulat ito sa pulang tinta, ay dahil ang pagmamahal mo sa akin ay may mas buhay pa sa itim at puting mundong iniikutan ng ating magkalapit na tadhana.
Inihalintulad mo ako sa kalawakan. Sinabi mo sa akin na handa kang pagmasdan ang kalangitan sa gabi, para lang masilayan ang kagandahan ko sa mga kumikindat na bituin. Handa kang pagmasdan ang buwan, para lang masilayan ang nagniningning kong epekto sa buhay mong nagdidilim sa kalungkutan.
Umiikot pa rin sa isipan ko ang mga salitang isinulat mo. Sa tuwing naaalala ko ito, muli kong nararamdaman ang bawat kirot mula sa tinik ng mga pulang rosas na itinanim mo sa aking puso. Ang simpleng mga sulat mo ay nagbigay sa akin ng pakiramdam---ang pakiramdam ng ibigin at umibig.
Pero kagaya ng lahat ng mga manunulat sa mundo, darating sa punto ang kanilang buhay kung saan mauubusan sila ng tinta sa pagsusulat. Ang dating mga salita na nagpakilig sa aking kaluluwa ay mananatiling nakalibing sa hukay na iyong iniwan. Habang ikaw---ang manunulat---ay unti-unting ililibing ito sa putik ng aking dumurugong laman. Naubusan ka na ng tinta, habang ako'y walang malay na nangungulila pa rin sa iyong matatamis na salita.
Taon na ang lumipas, umusad na ang panahon, ngunit nandito pa rin ako; naiwan habang hawak-hawak ang iniwan mong pangako. Simula pa lang, alam kong mabibighani ang mundo sa husay ng iyong pagsusulat. Kaya nandito ako ngayon, sa loob ng aklatan kung saan unang namuo ang pag-ibig sa ating mga mata---hawak-hawak ang bago mong akda tungkol sa iyong asawa.
Mahal pa rin kita---salitang isinulat ko sa itim na tinta at sa pahina ng iyong akda. Lumipas man ang panahon, kumupas man ang mga salitang nakaukit sa mga sulat mo, hahanapin pa rin kita---hahanapin ko pa rin ang piraso ng pag-ibig mo sa bawat akdang isinulat mo para sa kanya.
Wakas.
Kahit wala na, hahanap hanapin pa rin... Hayss..
Relate ka ba? halaa! I-comment mo nga at ipakita mo kung sino ka! Haha! π€£
-PuertoCampus