10/10/2025
Laak Mighty Bamboo Football Athletes, Pinapurihan sa Katapatan: Nawalang iPhone, Isinauli ng Dalawang Kabataang Manlalaro mula Laak NHS
Sa gitna ng hindi inaasahang malakas na lindol na yumanig sa buong Davao Region kaninang umaga, na naging dahilan ng pagsuspinde ng lahat ng palaro sa DDOPAA Meet 2025, pinatunayan ng mga atleta ng Laak Mighty Bamboo na ang tunay na diwa ng sports ay hindi lamang nasusukat sa tapang at galing sa larangan, kundi sa kabutihang-asal at katapatan.
Dalawa sa mga atleta ng Laak Mighty Bamboo Football Team, sina Rovic L. Carampatana at Kinneth Dave G. Alipin mula sa Laak National High School, ang nagpakita ng pambihirang katapatan matapos isauli ang isang nawalang iPhone na kanilang napulot sa gitna ng kaguluhan dulot ng lindol. Sa kabila ng tensyon at pagkalito sa sitwasyon, pinili ng dalawang atleta ang tama—ang ibalik ang mahalagang gamit sa tunay nitong may-ari.
Ayon sa mga opisyal ng delegasyon, hindi nag-atubili sina Rovic at Kinneth na ipagbigay-alam at isauli ang nasabing cellphone, dahilan upang agad itong maibalik sa may-ari. Ang kanilang simpleng kilos ng kabutihan ay umani ng papuri at paghanga mula sa kapwa atleta, coaches, at mga opisyal ng DDOPAA Meet.
Ang kabayanihan at katapatan ng dalawang kabataang ito ay nagsilbing inspirasyon sa buong delegasyon ng Laak Mighty Bamboo, na kilala hindi lamang sa husay sa sports kundi sa disiplina, malasakit, at integridad.
Tunay ngang sina Rovic L. Carampatana at Kinneth Dave G. Alipin ay huwarang kabataan mula sa Laak National High School—mga atleta na nagpapatunay na sa panahon ng sakuna o tagumpay, ang tunay na kampeon ay yaong may busilak na puso at matatag na pagkatao.
✍️Brian Aribe
📸Renee Jabines-peñaroyo